Home » Post Item » Uno Cards
Uno Cards
May 29, 2007
| Ako’y lumipat na! Puntahan si Rebyu sa Dakilang Bum Network! Mag-click lang dito! |
Kategorya: Bagay
Klase: Laruan
Pangalan: Uno Cards

Masarap magkaroon ng mga kaibigan. Alam mong dadamayan ka nila pag malungkot ka. Makikitawa sila sa iyo pag masaya ka. Handa silang ipagtanggol ka pag nasasaktan ka. Mga tunay na kaibigan na alam mong kahit na anong mangyari ay hindi masisira ang maganda niyong pagsasamahan…
…pero oras na maglaro kayo ng Uno Cards, lahat ng klase ng samahan ay nababasag. Talo-talo ang lahat at walang kaibi-kaibigan… lalo na kapag nalapatan ka na ng “Draw Four” na baraha!
Ang paglalaro ng Uno Cards ay parang “Crazy Eight” na isa sa mga kilalang laro sa pang-karaniwang baraha. Sa Uno Cards nga lang, mas madali ang pagtanda dahil imbes na “suit” eh mga kulay ang nasa ibabaw. At minsan, may mga “espesyal” pang baraha na nakakabago (at nakakabuang) sa takbo ng laro.
Nitong isang araw ay naglaro kami ng Uno Cards ng Honey ko pati mga kapatid niya (at ng boyfriend ng isang kapatid niya). Nung simula ay may kanya-kanyang isip kung paano didiskarte sa paglalaro ng kani-kanilang baraha. Kailangan kasi paunahan kayong makaubos ng hawak na baraha. At nang isa-isa nang kumukonti ang baraha, lumalabas ang natural na galit at pagka-inis ng bawat tao.
Nakakainis tuwing bibigyan ka ng kalaban mo ng “Draw Two” o kaya “Draw Four” kung saan bubunot ka ng baraha na naaayon sa bilang na pinapabunot sa iyo. Nakaka-buwisit ito kapag malapit ka nang matapos tapos may titira sa iyo ng ganun. Bigla na namang dadami ang baraha mo at magmumukhang pamaypay.
Halos isang oras at kalahati din kaming naglaro ng Uno Cards. Ultimo yung kapatid ng Honey ko eh umuusok ang tenga sa inis sa akin tuwing lalapatan ko siya ng “Skip” o kaya “Draw Two”. Kung nakaka-tusok lang ang talim ng titig eh malamang dedo na ako ngayon at nagre-rebyu na lang sa langit!
Sa bandang huli, bati pa rin naman kaming lahat. Wala namang sobrang pikon sa amin at sport lang talaga ang lahat. Nag-enjoy talaga kami sa paglalaro ng Uno Cards. Marahil kung wala ang mga ganitong klase ng laro eh hindi kami makakapag-bonding nang buo dahil wala kaming “common point of interest”. Bonding.
…bonding na halos mag-sabunutan na sa kakalapat ng “Draw Two” at “Draw Four”!
Deyey’s Approval: 90%
* May gusto ka bang ipa-rebyu? Magpadala lang ng email sa taglish.rebyu @ gmail . com *
All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.













