Home » Post Item » Magneato
Magneato
February 13, 2007
| Ako’y lumipat na! Puntahan si Rebyu sa Dakilang Bum Network! Mag-click lang dito! |
Kategorya: Bagay
Klase: Laruan
Pangalan: Magneato

Lego. Brick game. Magic Spring. At ngayon naman heto… ang Magneato!
Ang Magneato ay gawa sa mga magnet at ang pangunahing layunin nito ay makabuo ka ng mga bagay-bagay gamit ang mga piyesang matatagpuan sa kahon nito. Kumbaga, para itong Lego kaya lang dikit-dikit talaga.
Binubuo ang Magneato ng mga magnet na pahaba na iba-iba ang kulay tsaka mga magnet na hugis bilog. Sa pamamagitan ng mga ito, maaari ka nang makabuo ng iba’t-ibang kombinasyon. Nakakaaliw talaga!
Una ko siyang nakita sa mesa ng boss kong Australyano na nagdala nito isang araw makaraang mang-galing sa isang meeting. Nang siya’y umalis ng bansa panandalian, nagkaroon ako ng pagkakataon na laruin ang Magneato. Naaliw talaga ako dahil sobrang magnetic nito. Hindi siya yung tsipipay na magnet tulad ng ginagamit sa mga note holders para sa pridgyider. Ito’y matibay na klaseng magnet… sinubukan ko nga siyang isabit sa isang bakal na bagay at talagang matibay ang pagkakakapit.
Maraming bagay ang puwedeng mabuo gamit ang Magneato. Kung talagang masipag ka, maaari kang makabuo ng Eiffel Tower o kaya’y ang skeleton na pinag-basehan ng mga inhinyero para mabuo ang SM Mall of Asia…
Ang masaklap lang sa laruang ito ay madaling mawala ang mga piyesa nito. Tulad ng Lego, maliliit lang ang mga piyesa at madaling maiwan sa kung saan-saang parte ng kabahayan. Nakakainis pa naman kapag kulang ang magandang klaseng laruan.
Hindi rin puwede ang laruang ito para sa mga sobrang bata… lalo na sa mga sanggol. Dahil sa kaliitan ng mga piyesa, maaaring isubo ito ng kung sinong bata at malunok ito. Baka magulat pa ang mga magulang niya kapag lahat ng kasangkapan nilang gawa sa bakal eh dumikit sa kanya.
Sa kabuuan, mahusay na laruan ang Magneato. Talagang mapapaisip ka sa mga maaari mong gawin at buohin sa mga piyesang meron ka. Kaya kung frustrated engineer ka, dito mo paghusayan ang talento mo at balang-araw tiyak na makakamit mo ang tagumpay… salamat sa Magneato!
Deyey’s Approval: 88%
* May gusto ka bang ipa-rebyu? Magpadala lang ng email sa taglish.rebyu @ gmail . com *
All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.













